Hindi na bago para sa IBON Foundation ang naging resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) kung saan nakasaad na 44% ng mga Pinoy ang positibong gaganda ang kalidad ng kanilang buhay sa susunod na 12 buwan.
Paliwanag ni Executive Director Sonny Africa, normal naman sa mga tao na maghanap ng pag-asa sa tuwing may paparating o may mangyayaring bago.
“Bawat bagong taon, optimistic yung mga tao e. Di ba, kahit ga’no kalala yung naging buhay nila nung patapos ng taon, pagdating December, November, medyo optimistic talaga sa darating na taon. So, I think normal sa mga tao na kung may psychological na pagbabago, whether bagong taon o bagong administrasyon, I think normal na umasa talaga na magkakaroon ng pagbabago,” paliwanag ni Africa sa panayam ng DZXL 558 RMN Manila.
Gayunman, naniniwala rin si Africa na malaking bahagi ng pagiging optimistic ng mga Pilipino ngayon ay dala ng pangangampanya noong eleksyon ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kaya aniya, hamon sa papasok na administrasyon na gumawa ng agarang aksyon sa mga kinahaharap na problema ng bansa.
“Yung kampanya talaga niya, very positive di ba, unity, magkaisa tayo, magtulungan tayo… I’m sure malaking bahagi ng optimistic yan, ay dala ng ganong klaseng pagkakampanya ni incoming President Marcos. Pero para sa amin po, syempre alam naman natin bawat kampanya lahat naman ng kandidato may pangako,” ani Africa.
“Siguro yung hamon talaga dyan ay may gawin talaga agad ang administrasyon. Kasi kung walo sa sampu ay mahirap o nasa alanganin tapos 44% lamang ang umaasang mag-iimprove ang buhay nila, siguro yung hamon talaga ay may gawing konkreto ang administrasyon pagpasok niya,” dagdag niya.