Posibleng payagan nang makapasok sa Pilipinas ang mga business travelers mula sa ibang bansa oras na ibaba na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang quarantine restrictions.
Ayon kay Tourism Undersecretary Bong Bengzon, malaking tulong sa industriya ng turismo kung papayagang makapasok muli sa bansa ang mga foreign business traveler.
Ikinikonsidera rin kasi silang mga turista na malaking pakinabang sa mga tourism establishment na nawalan ng negosyo sa nakalipas na tatlong buwan.
Gayunman, depende pa rin aniya sa Inter-Agency Task Force (IATF) kung papayagan nilang makapasok sa bansa ang mga business traveler.
Aniya, mahalagang ‘in place’ pa rin ang mga health protocols pagdating sa international gateways.
Mula Enero hanggang Mayo, nabatid na bumaba sa 62% ang bilang ng mga foreign travelers na pumasok sa bansa bunsod ng COVID-19 pandemic.
Bumagsak din sa P80 billion ang tourism revenues sa unang limang buwan ng taon kumpara sa P205 billion na kinita sa kaparehong panahon noong 2019.