Mas papabor umano sa mga pasahero sa buong bansa kung papapasukin ang lahat ng kumpanya na kayang magbigay ng mas maayos na serbisyo para sa automatic fare collection system sa public transport.
Ito ang iginiit ng grupong Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) kasunod ng idinulot na perwisyo sa maraming pasahero ng bus sa unang araw ng pagpapatupad ng “No Card, No Ride” Policy sa Edsa Carousel.
Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, malinaw na ayaw ng publiko at hindi kakayanin ng mga ordinaryong manggagawa na araw-araw sumasakay ng bus kung gagamitin ang mahal na singil ng Beep card.
Sabi ni Inton, nagbabayad ang bus company ng ₱2,800 monthly kada isang bus unit sa unang anim na buwang operasyon at ₱2,500 sa mga susunod pang buwan sa loob ng halos tatlong taon.
Bagama’t pabor sa commuters group, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na ang operator ang namimili kung sino ang gugustuhing provider ng cashless payment pero wala na raw panahong maghanap pa ang mga ito ng iba dahil biglaan ang pagpapatupad nito at walang grace period.
Giit ni Inton, ‘no choice’ ang mga bus companies na bumibiyahe sa Edsa Carousel dahil ang Beep card na rin ang tanging ginagamit mula nang ipatupad noon ang MRT-Bus Augmentation.
Iminungkahing solusyon dito ni Atty. Inton, maglabas ng opisyal na direktiba ang DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hayaang makapaglagay ng collection terminal sa mga bus unit ang iba pang Beep card provider.
Bukod sa apela ni Sec. Art Tugade na gawing libre ang Beep card, una na ring sinabi ng DOTr na malayang gumamit ang mga public transport ng ibang service provider tulad ng SquidPay, GCash, PayMaya, QR Code at iba pa.