Pagpasok ng NBI sa Quezon City shootout investigation, legal na mandato ng ahensya ayon sa Palasyo

Ipinunto ng Palasyo na legal na mandato ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagpasok nito sa nangyaring misencounter ng mga tauhan ng Anti-Narcotics Operatives ng QCPD (Quezon City Police District) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakalawa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, kapag sangkot ang men-in-uniform sa isang krimen, ang NBI talaga ang dapat magsagawa ng imbestigasyon.

Layon aniya nitong matiyak na patas ang ikakasang imbestigasyon gayundin ang ilalabas na resulta.


Sa nangyari kasing insidente, sangkot ang mga tauhan ng dalawang law enforcement agencies.

Kanina, ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanging NBI na lamang ang magsagawa ng imbestigasyon.

Una na ring sinabi ng Palasyo na nalulungkot at nagtatanong ang Pangulo kung bakit nauwi sa ganitong sitwasyon ang operasyon ng Anti-Narcotics Operatives ng QCPD at ng PDEA.

Facebook Comments