Nakatakdang ideklara ng PAGASA ngayong linggo ang pagpasok ng panahon ng tag-init.
Ito ang kinumpirma ni PAGASA Weather Division Chief Dr. Esperanza Cayanan kasabay ng isang virtual forum kaugnay ng International and World Meteorological Day.
Ayon kay Dr. Cayanan, unti-unti nang humihina ang Northeast Monsoon o hanging amihan na siyang nagdadala naman ng malamig na hangin sa bansa.
May mga nakikita na kasi silang indikasyon ng paglakas ng tinatawag na Easterlies o ang maalinsangang hangin mula sa Silangan na siyang nagdadala ng mainit na panahon sa bansa.
Sakaling lumakas na ang pag-ihip ng Easterlies at ganap nang huminto ang pag-iral ng amihan ay doon na nila pormal na idedeklara ang dry season.
Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na panatilihing uminom ng maraming tubig upang hindi made-hydrate dahil sa umiinit na temperatura.