Pagpasok sa bansa ng UN Special Rapporteur at ICC, pinaiimbestigahan sa Senado

Ipinasisilip ni Senator Imee Marcos sa Senado ang aniya’y “unwarranted presence” o hindi awtorisadong pagpasok sa bansa ng mga intergovernmental organization tulad na lamang ng pagpasok sa bansa ng UN Special Rapporteur at mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC).

Giit ni Sen. Marcos, ito ay nagdudulot ng banta sa independence at soberenya ng bansa.

Inihain ng senadora ang Senate Resolution 927 para siyasatin ang impormasyon na mula kay dating Senator Antonio Trillanes IV na nagtungo sa bansa noong Disyembre ang ICC investigators habang nitong Enero lamang ay nasa Pilipinas si UN Special Rapporteur Irene Khan na nagrekomenda na buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).


Para kay Sen. Marcos, ang ganitong aksyon ng mga kinatawan ng UN at ICC ay maituturing na bastos na panghihimasok sa independence at poder ng bansa na gumawa at magpatupad ng sarili nilang mga programa para tugunan ang peace and order situation ng bansa.

Dagdag pa ng mambabatas, ang naturang pangingialam ay maaaring magdulot ng counterproductive o makakasama sa paglaban ng pamahalaan sa terorismo, armed conflict, iligal na droga, krimen at sa iba pang banta sa seguridad at kaligtasan ng publiko.

Facebook Comments