Pinag-aaralan na ng Department of Justice (DOJ) ang pagpasok sa Public-Private-Partnership (PPP) para sa pagpapatayo ng super maximum security facility.
Ang “super max” facility ay isang bukod na bilangguan para sa mga convicted ng karumal-dumal na krimen.
Sa ginanap na pagdinig sa 2024 budget ng DOJ sa Senado, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang PPP ang kanilang nakikita na paraan para maitayo ang “super max” facility.
Maging ang Bureau of Corrections (BuCor) ay itutulak din ang pagpapatulong sa pribadong sektor sakaling hindi kakayanin ng gobyerno ang pagpapatayo ng “super max”.
Ayon kay BuCor Chief Gregorio Catapang Jr., mayroong ginagawang super max sa Mindoro, habang naghahanap pa sila ng lugar sa Visayas at Mindanao.
Sinuportahan naman ito ni Senator JV Ejercito at aniya dapat na maging prayoridad ang pagpapatayo ng maximum penitentiary sa labas ng Metro Manila dahil kalunus-lunos na ang kalagayan ng New Bilibid Prison.