Pagpatay kay Plt. Tolentino, May ‘Persons of Interest’ na!

9841

Cauayan City, Isabela- Mayroon nang tinitignang ‘persons of interest’ ang pulisya sa pagpatay kay Police Lieutenant Oliver Tolentino sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.


Sa inisyal na impormasyong nakalap ng 98.5 iFM Cauayan, tinitignang gabay sa pamamaril kay Plt Tolentino ang mga kasamahan nito dahil una nang inamin ng naturang pulis na mayroon itong pinoprotektahang grupo sa pagsasagawa ng pagnanakaw.

Kaugnay nito, kinukuhanan na rin ng impormasyon ang mga witness sa pamamaril kay Tolentino sa mismong Linggo ng Pagkabuhay, (April 12, 2020) habang nakaupo sa harapan ng bahay ng kanyang kapatid.

Nabatid na dalawang (2) itim na sasakyan ang ginamit na getaway vehicle ng mga salarin kung saan isang gunman lamang ang bumaba mula sa sasakyan at pumasok sa gate at isinagawa ang krimen.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon at hot pursuit operation ng otoridad laban sa mga salarin.

Magugunitang nadakip noong Marso 30, 2020 si Plt Tolentino matapos na masangkot sa panghoholdap sa isang gasolinahan sa bayan ng Reina Mercedes na tinangka pang tumakas at umiwas sa checkpoint sa Lungsod ng Cauayan.

Nasampahan ng kaukulang kaso si Tolentino subalit nakapag-piyansa ng halagang Php.120,000.00 kaya’t pansamantalang nakalaya.




 

Facebook Comments