Manila, Philippines – Kinondena nila ACT Teachers Rep. Antonio Tinio at France Castro ang pagpatay sa Grade 11 student na si Kian Loyd Delos Santos dahil sa One-Time, Big-Time Operation o Oplan Galugad ng Caloocan Police.
Hindi naniniwala sina Tinio at Castro sa palaging rason ng mga pulis na “nanlaban” ang 17 anyos na biktima.
Giit ni Castro, ang insidenteng ito ay isa na namang patunay na anti-poor ang kampanya ng administrasyon kontra iligal na droga.
Iginiit ng kongresista na ang biktima ng pinagbibintangang drug suspect ay nagbebenta lang ng candy para may mai-baon.
Nakita pa sa kuhang CCTV footage na kinaladkad ng pulis ang biktima sa madilim na lugar bago ito nakitang patay.
Nababahala din ang mga mambabatas na umpisa pa lang ito ng paglala ng tokhang operations sa mga estudyante kasunod na rin ng utos na mandatory drug test ng DepEd at CHED.