Pagpatutupad ng mahigpit na seguridad sa pagsisimula ng National ID System registration, tiniyak ng PNP

Iniutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief General Camilo Cascolan sa lahat ng mga Police Commanders ang pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad kasabay ng pagsisimula ngayong araw ng National ID System registration sa 32 probinsya sa bansa.

Partikular na pinababantayan ni Cascolan sa mga pulis sa ground ay ang striktong pagsunod ng mga tao sa minimum health safety standard protocols habang ginagawa ang proseso ng data gathering.

Sinabi naman ni Joint Task Force COVID Shield Commander Lieutenant General Guillermo Eleazar, inatasan na rin niya ang mga police commanders na makipag-ugnayan sa mga taga-Philippine Statistics Authority (PSA) at local government units (LGU) para agad mailatag ang pagpapatupad ng security at health Safety procedures.


Giit ni Eleazar mahalaga ang papel ng mga pulis sa ginagawang National ID registration dahil bukod sa pagpapatupad ng minimum health safety standard protocols, babantayan din nila ang mga enumerators o supervisor na nagsasagawa ng house to house visit.

Ang unang 32 mga lalawigan na sinimulang gawin ngayong araw ang National ID System registration ay ang mga lugar na ikinokonsiderang low risk areas ng Coronavirus disease 2019.

Facebook Comments