Pagpayag na gamitin ang dalawang pneumonia vaccines, welcome development ayon sa isang kongresista; procurement para sa mas murang bakuna, ipinanawagan

Welcome development para kay House Committee on Health Chair Angelina Tan ang pagpayag ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ng Department of Health (DOH) na gamitin ng gobyerno ang dalawang Pneumococcal Conjugate Vaccines (PCVs) para labanan ang pneumonia na isa sa “killer disease” sa mga kabataan.

Muli namang ipinanawagan ni Tan na isailalim sa procurement process ang dalawang pneumonia vaccines na PCV10 at PCV13 upang mas makatipid ang pamahalaan.

Batay sa HTAC report, ang PCV10 ay mas abot-kaya at epektibo rin dahil aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) habang ang isa pang PCV na kasalukuyang ginagamit ngayon ang pinakamahal na bakuna sa ilalim ng National Immunization Program (NIP) na aabot sa ₱4.4 billion, lagpas kalahati rin sa ₱7.2 billion na pondo ng NIP.


Sa inisyal na desisyon na inilabas ng HTAC nitong July 1, 2020, nakasaad dito na makakatipid ang pamahalaan ng ₱8 billion sa vaccine cost kung pipiliin ang PCV10.

Matatandaang sinegundahan ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kung saan sinabi nitong ang matitipid sa pneumonia vaccines ay maaaring ilaan sa ibang bakuna sa ilalim ng Expanded Program for Immunization (EPI).

Samantala, iginiit naman dito ni Public Health Expert Dr. Jun Belizario na sa kabila ng COVID-19 pandemic ay lantad din ang bansa sa ibang mga sakit kaya mahalagang bigyang pansin din ang mga kinakailangang bakuna.

Facebook Comments