Naging patas lamang ang gobyerno sa desisyon nito na payagan ang DITO Telecommunity Corporation na magtayo ng cell sites sa loob ng mga pasilidad ng militar.
Ayon kay Retired Brigadier General Eliseo Rio na siya ring dating Undersecretary for Operations ng Department of Information and Communications Technology, noon pang dekada 90 nagsimula ang pagtatayo ng cell sites sa mga military bases.
Isa aniya sa dahilan ay ang problema noong 1997 hanggang 1998 kung saan pinapasabog ng mga miyembro ng New Peoples Army ang mga cell sites kaya’t inimbitahan nila noon ang dalawang telco na itayo na lamang ito sa loob ng kampo.
Sa ngayon aniya ay aabot na sa higit 270 ang towers ng dalawang telco na nasa loob ng mga kampo ng militar at mga pulis sa buong bansa.
Paliwanag ni Rio, hindi maaaring tanggihan ng Armed Forces of the Philippines ang bagong telco dahil sa Anti-Competition Law kung saan dapat maging patas ang ibibigay sa bawat kumpanya.