Ikinalugod ni Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo Ordanes ang bagong Inter-Agency Task Force (IATF) resolution na nagpapahintulot sa mga fully vaccinated senior citizen na makalabas na ng kanilang bahay.
Batay aniya sa IATF resolution, ang mga fully vaccinated seniors sa General Community Quarantine (GCQ) at Modified GCQ areas ay pinapayagan nang makalabas basta susunod lang sa minimum health protocols at dapat ay dala ang mga vaccination cards patunay na sila’y fully-vaccinated na.
Ayon kay Ordanes, masaya ang mga senior citizens dahil matagal nang hinihintay ang naturang desisyon.
Dahil dito, tiyak na mas maraming senior citizens ang mahihimok na magpabakuna ng COVID-19 vaccine.
“Ang mga kapwa ko senior citizens na nasa GCQ at MGCQ areas ay pwede nang lumabas ng bahay basta susunod lang sa minimum health protocols at dala lang ang vaccination cards na patunay na sila’y fully-vaccinated na,” ani Ordenes.
“Magiging masaya na ang mga seniors sa desisyong payagan na silang lumabas ng bahay. Gaganahan at mamomotivate nang magpabakuna ang iba pang mga seniors,” dagdag pa ng mambabatas.
Bunsod naman nito, hiniling ni Ordanes sa IATF na agad abisuhan ang mga local government units lalo na ang mga barangay sa bagong polisiya upang hindi magkaroon ng kalituhan.
” Government must now make sure all the barangays, especially those under GCQ with heightened restrictions, under regular GCQ, and under MGCQ all immediately and well-informed,” ayon kay Ordanes.
Hinimok din ng kongresista ang mga barangay na mamahagi ng libreng face mask at face shields sa mga seniors upang matiyak na patuloy na nasusunod ang minimum safety protocols.