Kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA) ang Bureau of Customs (BOC) hinggil sa pagpayag nitong magpatuloy ang transaksyon nito sa 974 importers sa kabila ng mga naitalang paglabag.
Batay sa audit report ng COA, 644 dito ang may violation record, seizure of product, abandonment at smuggling o pagpupuslit habang nasa 330 importers ang nakitaan ng paglabag sa importation na may generic o hindi malinaw na paglarawan sa produkto.
Sinabi ng state auditors na aabot sa 77,049 consumption entries ang dapat sinuspinde mula sa importers na nagkakahalaga ng 28.954 billion pesos.
Binanggit din sa ulat ang pag-angkat ng 553 regulated commodities na aabot sa 1.44 billion pesos ang halaga ang naproseso at nai-release sa kabila ng kakulangan sa import permits at ibang dokumento.
Kinuwestiyon din ng COA ang maling pagtukoy ng BOC sa mga kargamento hinggil sa kanilang color-coded system kung saan aabot sa 5,983 entries na nagkakahalaga ng 1.733 billion pesos ang dapat itinuring na red pero hindi sumailalim sa karagdagang inskpesyon.
Mayroon ding importasyon ng 765 commodities na nakitaan ng understatement ng aabot sa higit 105 milyong piso dahil sa maling komputasyon ng insurance na siyang posibleng maging kabawasan sa kita ng gobyerno
Sumang-ayon naman ang pamunuan ng Customs sa inihaing rekomendasyon ng audit team sa mga nakitang inconsistencies at iba pang isyung nakita.