Pagpayag sa Pagbubukas ng Malaking Minahan sa Nueva Vizcaya, Ikinadismaya ni Governor Padilla

Cauayan City, Isabela- Dismayado si Governor Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya sa napipintong muling pagbubukas ng operasyon ng isa sa malaking minahan sa bansa na nakabase sa lalawigan, ang Oceana Gold Philippines.

Sa pahayag ng Gobernador, sa kabila ng pagtutol sa muling pagbubukas ng mga minahan ay pinahihintulutan umano ng national government ang renewal ng Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA) ng kumpanya sa susunod na 25-taon na operasyon.

Ayon sa opisyal, patunay lamang ito ng kawalan ng katarungan hindi lamang sa kapaligiran kundi sa libu-libong Novo Vizcayanos na naghirap umano sa masamang epekto ng pagpapatakbo ng pagmimina sa Didipio.


Sa mga naunang pahayag ng opisyal, posibleng masira umano ang ilang ipinagmamalaking ganda ng kalikasan sa Nueva Vizcaya gaya ng pagiging Citrus Capital ng bayan ng Kasibu gayundin ang pagkasira umano ng Capisaan caves.

Giit niya, ito ang mga bagay na nangangambang mawala at mapinsala kung magpapatuloy ang operasyon ng Oceana Gold Philippines.

Matatandaan na kaliwa’t kanan ang pagtutol ng ilang environmental advocates at mga apektadong mamamayan ng Didipio para hindi na pinahintulutan ang operasyon.

Pagtitiyak ni Padilla na patuloy na susuportahan ang paglaban para maibasura ang desisyong ito ng national government laban sa itinuturing na mapaminsalang minahan.

Facebook Comments