Pagpigil sa sinumang bansa na magkaroon ng access sa South China Sea, tinutulan ng Pilipinas

Nagpahayag ng pagtutol ang Pilipinas sa balak na pigilan ang sinumang dayuhang bansa partikular na ang Estados Unidos na magkaroon ng access sa South China Sea sa gitna ng pagkakaroon ng code of conduct ng China at alinmang estado sa Southeast Asia.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teodoro Locsin Jr., alinsunod ito sa 70-year-old Mutual Defense Treaty na nagbubuklod sa Pilipinas at sa Estados Unidos upang magprotekta laban sa pananamantala ng ibang bansa.

Batay rito, maituturing na non-negotiable ang kasunduan dahil kailanman ay hindi babalewalain ang mga dayuhang bansa mula sa kanluran partikular na ang Estados Unidos dahil parte na ito ng national defense ng Pilipinas.


Matatandaang una nang sinabi ni US Secretary of State Antony Blinken na muling pagpapatibayin ni US President Joe Biden ang pangako nitong ipagtatanggol ang Pilipinas laban sa pag-atake ng China sa bansa sa South China Sea.

Samantala kaugnay nito, sinabi ni Department of National Defense (DND) Sec. Delfin Lorenzana na posibleng maging dahilan ng away ang pagpapahintulot ng China sa kanilang Coast Guard na paputukan ang anumang uri ng foreign vessels sa pinagtatalunang teritoryo kabilang na ang West Philippine Sea.

Sa pamamagitan kasi aniya nito ay posibleng magkaroon ng maling pagkalkula na magiging dahilan ng sagupaan sa panig ng Pilipinas at China.

Facebook Comments