San Mateo, Isabela – Bilang pagtugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang mga national highways, ay ipinagbawal na ng lokal na pamahalaan ng San Mateo, Isabela ang pagpila ng lahat ng klase ng pampasaherong sasakyan sa gilid ng highway.
Ayon kay SB Member Jonathan “Neil” Galapon, Chairman ng Committee on Transportation and Communication, hindi na pinahihintulutan ang mga pampasaherong jeep at van na pumila at magsakay sa gilid ng daan.
Ginawa nang sentralisado ang pila ng mga sasakyang patungo sa lungsod ng Cauayan, Santiago at sa bayan ng Roxas sa dating Sanmacab terminal sa harap ng kanilang pasalubong center.
Nanawagan si SB Galapon sa lahat ng mananakay na huwag nang maghintay sa mga gilid ng daan bagkus, dumiretso na sa nasabing terminal.
Dagdag pa ng SB Member, mas madaling makaalis ang mga sasakyan kung iisa ang pilahan nila.
Hinikayat ni SB Galapon maging ang mga tricycle drivers na ideretso na sa sanmacab terminal ang kanilang mga pasaherong bibiyahe sa mga karatig bayan at lungsod.
Paglilinaw ng lokal na pamahalaan na ito ay bahagi ng kanilang pagtalima sa kautusan ng pangulo at paglilinis na rin sa mga highways.
Humihingi si SB Galapon ng suporta mula sa hanay mananakay dahil ito ay dry run palang hanggang sa makahanap sila ng pangmatagalang sousyon sa maayos at mabilis na pila.