Tiniyak ng Department of Migrant Workers Affairs (DMW) na magiging maayos ang “selection process” sa mga case officers na tatanggap ng mga problema at kaso ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ito ang siniguro ng ahensya matapos masita ni Committee on Migrant Workers Chairman Raffy Tulfo sa organizational meeting na karamihan ng mga tauhan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa ibang bansa ay sinusungitan, binabagsakan ng telepono at iniinsulto pa ang mga OFWs na humihingi ng tulong.
Kinukwestyon ng senador kung saan galing o kung may sapat na background ba bilang social worker para ma-qualify ang isang case officer nang sa gayon ay may kakayahan ang mga ito na makisimpatya at makinig sa problema ng mga OFWs.
Ayon kay Usec. Maria Anthonette Velasco-Allones, gagamitin nila ang proseso ng pagme-merge at paglipat ng mga opisina sa bagong tatag na DMW para sa reporma at pagsala ng recruitment ng mga tauhan.
Kasalukuyan aniya ang ahensya sa pagbalangkas ng profile ng lahat ng existing staff kung saan ang mga ito ay sasailalim sa examination at psychological tests upang matiyak na nasa maayos na kaisipan at kondisyon ang mga tatanggap ng kaso ng mga OFWs.
Nagpasalamat naman si Velasco-Allones sa feedback ng senador at tiniyak na ito ay gagamitin para gawing basehan sa pag-retain at pag-retool bago ma-reappoint ang mga case officers.