241 Empleyado ng LGU Cauayan, Negatibo sa Droga

Cauayan City, Isabela- Nagnegatibo sa iligal na droga ang 241 na mga empleyado ng Lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Cauayan City sa isinagawang Random Drug Testing sa City Hall nitong Miyerkules, August 31, 2022.

Pinangunahan mismo ni City Mayor Caesar Jaycee Dy Jr. ang pagsalang sa pagpapadrug test na ikinasa ng PDEA Isabela sa tulong ng mga kawani ng Cauayan City Health Office 3.

Sinundan naman ito ng iba pang kawani ng LGU na sumalang sa drug testing. Nang matapos ang random drug testing sa mga piling kawani ng lokal na pamahalaan o katumbas ng dalawampung porsyento ng workforce ng LGU ay nagnegatibo naman ang mga ito sa ipinagbabawal na droga.

Sa kasalukuyan, mula sa 1,167 na kabuuang bilang ng mga empleyado ng LGU Cauayan ay 241 sa mga ito ang kumpirmadong hindi gumagamit ng iligal na droga batay na rin sa agarang resulta ng kanilang drug test.

Layunin naman nito na matiyak na malinis sa droga ang City Hall o maituturing na “Drug Free Workplace” ganun din ang lahat ng mga manggagawa ng LGU bilang bahagi sa pagdedeklara na “Drug Cleared” ang Siyudad ng Cauayan.

Facebook Comments