Iginiit ni Albay 1st District Representative Edcel Lagman, na dapat maging mas maingat si Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) sa pagpili ng magiging miyembro ng kanyang gabinete.
Katwiran ni Lagman, ito ay para hindi masayang ang pera ng taumbayan sa pagpapasweldo sa mga hindi karapat-dapat maupo sa gobyerno.
Pahayag ito ni Lagman, bunga ng pagkadismaya sa sunod-sunod na pagbibitiw ng ilang miyembro ng gabinete ni PBBM.
Para kay Lagman, nagpapakita ito na kapos ang vetting process ni PBBM sa pagbili ng kanyang makakasama sa pagtatrabaho.
Paliwanag ni Lagman, bagama’t may karapatan at kapangyarihan ang pangulo na pumili ng iluluklok sa pamahalaan ay hindi ito dapat nakabatay sa kanyang kapritso.
Diin ni Lagman, dapat manaig sa pagpili ng presidential appointees ang kwalipikasyon, karakter, integridad, talento, merito at karanasan.