Ipinahayag ni Task Force Bangon Marawi Chief Eduardo Del Rosario na tagumpay ng mga peace-loving Filipino ang pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Anti-Terrorism Act of 2020.
Si Del Rosario ang nangangasiwa ngayon ng rehabilitation efforts sa Marawi City na nawasak sa limang buwang bakbakan noong 2017 sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng Daesh-inspired terrorists.
Sa isang statement, sinabi ni Secretary Del Rosario na sa pamamagitan ng bagong Anti-Terror Law, mabibigyan ng sapat na sandata ang gobyerno na gapiin ang terorismo.
Aniya, may mga natitira pa rin sa mga Daesh-inspired Islamic terrorists sa katimugang bahagi ng bansa at patuloy na nagbabanta sa katahimikan doon.
Ani ni Del Rosario, ang tuluyang pagtuldok sa terorismo at iba pang kahalintulad na karahasan ay magbibigay daan sa mas maraming oportunidad sa mga mamamayan partikular sa kanayunan.