Pagpondo sa paglalagay ng specialty centers sa mga ospital, aprubado na sa House Committee Level

Inaprubahan na ng House Committee on Appropriations ang funding provision o paglalaan ng pondo para sa panukalang pagtatag ng specialty centers sa mga ospital sa ilalim ng pangangasiwa at kontrol ng Department of Health (DOH).

Ayon sa chairman ng komite na si Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co, ang budget na kailangan para sa inisyal na implementasyon ng specialty centers ay kukunin sa budget ng DOH ngayong taon o sa alokasyon para sa national budget.

Layunin ng panukala na mas matututukan ang cancer care, cardivascular care, renal care, physical therapy, neonatal care at iba pa.


Tiwala naman si House Committee on Health Chairman at Batanes Representative Ciriaco Gato Jr., na makatutulong ang panukala sa mandato ng gobyerno na pagkalooban ng Universal Health Care ang bawat Pilipino.

Diin pa ni Gato, daan din ang panukala para mabigyan ang mga pasyente ng kinakailangang tulong medikal ng hindi na kailangang pumunta sa mga malalaking specialty hospital na karamihan ay nasa Metro Manila.

Facebook Comments