Kinumpirma ng Philippine Airlines (PAL) na marami na ring cabin crew ng PAL ang tinamaan ng COVID-19 kaya kinansela nila ang maraming domestic at international flights.
Bunga nito, dagsa ngayon sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA Terminal 2 ang mga pasaherong stranded.
Naglagay na rin ng tent ang PAL sa labas ng terminal para sa mga stranded na pasahero.
Namahagi naman ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng mga pagkain at inuming tubig para sa mga apektadong pasahero.
Una nang kinumpirma ni PAL Spokesperson Cielo Villaluna na marami na rin sa kanilang frontline team members sa ticket offices, gayundin sa contact centers at iba pang support teams ang hindi makapagtrabaho ngayon dahil na-infect ng virus
Bunga nito, hindi agad nasasagot ang tawag ng mga pasaherong nagpapa-rebook ng ticket.
Ayon sa PAL, marami ring mga pasahero ang nagkansela ng kanilang flights matapos tamaan ng COVID-19 habang ang iba ay naka-isolate matapos ma-expose sa COVID positive.