
Isa si Batangas Representative Leandro Legarda Leviste sa limang kongresista na bumoto kontra sa pagpapataw ng Kamara ng 60 araw na suspensyon kay Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga.
Giit ni Leviste, dapat mahiya ang Kamara na inuna pa ang suspension kay Barzaga habang hindi man lang iniimbestigihan ang kanilang kasamahang kongresista na inuugnay sa pagnanakaw ng bilyun-bilyong piso sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Para kay Leviste, nakakahiyang maging miyembro ng Kongreso dahil parang nagiging normal na mayroon silang isang kasamahan na inaakusahan na nagbayad umano para makakuha ng mahigit ₱100 bilyong kontrata sa DPWH.
Dagdag pa ni Leviste, kwestyunable at minadali ang pagpapasya ng Kamara dahil kahapon lang din nila nakuha ang report ng House Committee on Ethics and Privileges na syang nagrekomenda ng suspensyon kay Barzaga.
Hindi pinangalanan ni Leviste kung sino ang tintukoy nya pero magugunitang kamakailan ay isiniwalat niya na si Construction Workers Solidarity (CWS) Party-list Rep. Edwin Gardiola ay ikalawang pinaka-malaking proponent ng DPWH projects.









