Maliit lamang na parte ang kuwento nina Leonardo ‘Lolo Narding’ Flores at Robert Hong, sa kaso ng ‘ninakaw’ na mangga, sa mas malaking reyalidad na nakakatakas pa rin ang mga maiimpluwensyang magnanakaw sa sistema ng ating hustisya.
Pagtitiyak ni Partido Reporma Chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson, ang pagtapos sa ganitong maling sistema at pagpapatupad ng pantay na hustisya para sa lahat, ang kabilang sa kanyang prayoridad kung siya ang maihahalal na susunod na pangulo ng ating bansa.
Inihayag ito ng batikang mambabatas at presidential candidate, makaraang personal niyang malaman ang tunay na kuwento sa likod ng nasabing insidente sa Pangasinan para matulungan ang dalawang naging biktima sa viral na kaso.
“This is the best that we can do to serve justice to all those who deserve it. It behooves us to look at the bigger picture. While ordinary thieves get the whip surely and fast, the big, powerful crooks stay big and powerful. It’s simply unfair and sad,” sabi ni Lacson sa kanyang Twitter account, Sabado ng umaga.
Nitong Huwebes, siniyasat ni Lacson ang tunay na dahilan ng pag-aresto sa 80-anyos na si Flores dahil sa umano’y pagnanakaw ng mga mangga sa lote na binabantayan ni Hong.
Si Hong ang naghain ng reklamo laban kay Flores at ngayon ay nagtatago sa publiko at hindi nakakapaghanapbuhay bilang truck driver dahil sa mga banta na natanggap mula sa mga blogger at netizen—isang kaso ng pambu-bully na nag-ugat mula sa pagkalat ng kulang-kulang na impormasyon.
Sinabi ni Lacson na ang pagtulong niya sa pagpapabatid ng katotohanan sa likod ng viral case na ito ang pinakamabuting magagawa para kina Flores at Hong.
“Yet, it cannot be denied that the big and powerful crooks are still out there, free to continue abusing their power and stealing from ordinary taxpayers,” sabi ni Lacson, kasabay ng paggiit niya na kailangang ibalik ng taumbayan ang galit laban sa mga ganitong kaso ng kawalan ng hustisya.
Ipinangako ni Lacson na ipatutupad niya ang iisang pamantayan sa pagtapos ng mga iligal na aktibidad, kabilang ang krimen at korapsyon, sa pamamagitan ng kombinasyon ng mahigpit na disiplina at pamumuno ng isang lider na may mabuting ehemplo.
Napatunayan ito ni Lacson nang pamunuan niya ang Philippine National Police simula 1999 hanggang 2001. Naalis niya ang mga kotong cop at naibalik ang tiwala ng publiko sa kapulisan.
Ito rin ang kanyang kampanya sa muling pagtakbo bilang pangulo na “Ayusin ang gobyerno upang maayos ang buhay ng bawat Pilipino” at “Ubusin ang Magnanakaw”.
“Ubusin ang magnanakaw para maging maganda ang kinabukasan ng ating mga anak, ng ating mga apo, at ng susunod na henerasyon,” ani Lacson.