Iginiit ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na wala silang inuutos sa mga guro na magbahay-bahay upang hikayatin ang mga estudyante na magpa-enroll para sa School Year 2020-2021.
Ito ang naging pahayag ng DepEd matapos sabihin ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines na meron mga guro na pumupunta sa mga komonidad upang kumbinsihin ang mga magulang na ipa-enroll ang kanilang mga anak dahil sa mababang turnout ng enrollment ngayong taon.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, walang katotohanan ang ulat ng ACT Philippines.
Aniya, ipina-check na rin niya ito sa mga field unit ng DepEd at lumabas na walang basehan ang nasabing ulat ng nasabing grupo.
Pahayag pa niya na bago mag-enrollment, ang mga guro ay kailangan kausapin ang kanilang mga dating mag-aaral sa pamamagitan ng tawag, text, o kahit anong pamamaraan basta hindi lalabas ang guro sa bahay.
Ito aniya ay bilang protocol sa pagbubukas ng klase sa August 24, 2020 na bahagi ng Learning Continuity Plan ng DepEd.
Layunin aniya upang malaman kung mag-aaral pa ba ito sa susunod na pasukan.