Pinuri ni Pangulong Rodrigo Duterte ang matagumpay na ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) sa kakatapos lamang na plebisito.
Aniya, maituturing itong “one of the great developments” na nangyari sa bansa.
Hinimok ng Pangulo ang mga residente ng Maguindanao na makipagtulungan sa gobyerno upang mapanatili ang kapayapaan at kaunlaran sa kanilang komunidad.
Nanawagan din ang Pangulo sa publiko na isuko na ang mga armas at ihinto na ang walang saysay na labanan.
Aniya, ang tanging kalaban na lamang ng gobyerno ay ang Islamic State na ang layunin lamang ay pumatay at maghasik ng kaguluhan.
Nangako rin ang Pangulo na pananatilihin ang kapayapaan sa Mindanao hanggang sa matapos ang kanyang termino.
Sa ilalim ng BOL, papalitan ang ARMM ng isang bagong rehiyon na may malawak na fiscal autonomy.