Ikinalugod at pinuri ng ilang mambabatas ang tuluyang pagratipika sa panukala ng Kamara at Senado na “Doktor Para sa Bayan Act”.
Pinasalamatan ni Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, principal author ng panukala sa Kamara, ang mabilis na pag-ratify sa panukala na layong tugunan ang kakulangan ng doktor sa bansa lalo na ngayong mayroong pandemya.
Sa ilalim ng panukala ay bibigyan ng medical scholarship at return service program ang mga karapat-dapat na estudyante mula sa mga State Universities and Colleges (SUCs) o Private Higher Education Institutions (PHEIs) sa mga rehiyon na walang iniaalok na medical course.
Makatatanggap ng libreng matrikula at iba pang bayarin, allowances para sa libro, supplies, equipment, clothing, dormitory, at transportation, libreng internship fees, medical board review fees, at annual medical insurance ang mga estudyanteng makakapasok sa programa.
Kabilang naman sa probisyon na isinulong ni Tan na kasama sa ratified version ay ang return service sa public health office o government hospital sa gitna ng pandemic o public health emergency bilang kondisyon upang magawaran ng medical scholarship.
Naniniwala naman si CIBAC Partylist Rep. at House Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva na ang naturang landmark legislation na ito ay magpapabuti sa ating public health workforce dahil madaragdagan na ang mga doctor-to-population ratio upang makasabay sa international standards.