Inaasahang dedesisyunan ng pamahalaan sa susunod na linggo ang mungkahing idagdag ang booster dose bilang requirement para maikonsiderang fully vaccinated kontra COVID-19 ang isang indibidwal.
Sa isang panayam, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na kailangan naman talaga ng booster pero problema ang pagsasama rito sa polisiya kumpletong pagbabakuna.
Noong nakaraang linggo, matatandaang iminungkahi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na i-redefine ang terminong “fully vaccinated” para masakop nito ang mga nakapagpaturok ng booster dose.
Pero tinabla agad ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire at iginiit na hindi ito naaangkop para lang matugunan ang mababang booster uptake sa bansa.
Sa kabila nito, kumpiyansa naman si Duque na papayagan ng Inter-Agency Task Force ang nasabing polisiya kasabay ang apela sa mga eksperto na suportahan ang panukala.
Nabatid na nasa 44 milyong Pilipino na eligible sa booster shots ang hindi pa nakatatanggap ng karagdagang bakuna.