Pagrebisa sa magna carta sagot sa hinihinging dagdag-sahod ng mga guro

Manila, Philippines – Pinamamadali na ni Senador Win Gatchalian ang pagrebisa ng Republic Act 4670 o Magna Carta for Public School Teachers para matugunan ang matagal nang hinaing ng mga guro na mababang sahod at nakakaawang kalagayan.

Ayon kay Gatchalian, isinabatas ang RA 4670 noong 1966 bilang pagtugon sa matinding pangangailangan na mai-angat ang antas ng pamumuhay ng mga guro base na rin sa rekomendasyon ng International Labor Organization at ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization.

Maghahain din si Gatchalian ng isang resolusyon upang magsagawa ng pagdinig ukol sa Magna Carta makaraang mapuna na ‪sa 27 probisyon nito ay 11 lang ang natupad, siyam ang bahagyang natupad at pito ang hindi pa natutupad.


Sa isinagawang policy forum na pinamunuan ng Civil Society Network for Education Reforms at ng Senate Committee on Basic, Education, Arts and Culture, ay sinabi ni Gatchalian na, “mayroon talagang pangangailangan na itaas ang sweldo ng ating guro dahil naiiwan na ang mga Teachers I, II at III.”

Dagdag pa ni Gatchalian, bukod sa mababang sahod, problema rin ang kawalan ng ibang benepisyo tulad ng special hardship allowance, hazard pay, at taunang libreng check-up.

Facebook Comments