Pagrepaso sa counter insurgency campaign ng gobyeno, iginiit ni Sen. De Lima

Inihain ni Senator Leila de Lima ang Senate Resolution Number 681 na nagsusulong ng pagrepaso sa counter-insurgency campaign ng administrasyong Duterte.

Nakapaloob sa resolusyon na sa gagawing pagrepaso ay dapat maimbestigahan ang pagpatay sa mga aktibista sa Laguna, Rizal, Cavite at Batangas.

Punto ni De Lima, mahalagang mabatid kung lehitimo ang joint at simultaneous operation ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na humantong sa pagpaslang sa siyam na aktibista.


Tinukoy ni De Lima na bago ang naganap na madugong raid sa mga aktibista sa Calabarzon noong March 7 ay sinabihan ni Pangulong Duterte ang mga pulis at militar na balewalain ang karapatang pantao at nagbigay ito ng utos na patayin ang communist insurgents sa lahat ng armadong labanan.

Naninindigan ang PNP na lehitimo ang operasyon pero iginigiit ng progresibong grupo na higit sa execution at tokhang style killings ang nangyari.

Binanggit naman ni De Lima na mismong si National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. ang nagkumpirma noong March 9 na nagbigay ng shoot-to-kill order si Pangulong Duterte laban sa armadong CPP-NPA rebels.

Diin ni De Lima, mahalagang magkapagsagawa ng masusi, independent at patas na imbestigasyon para madetermina kung ang whole-of-nation approach sa counter insurgency ay talaga bang epektibo sa pagresolba sa matagal nang problema sa communist insurgency.

Facebook Comments