Iginiit ni Senator Sonny Angara na repasuhin na ang K-12 basic education program na ipinatupad sa mga paaralan mahigit sampung taon na ang nakakalipas.
Ayon kay Angara, panahon na para i-review ang K-12 lalo’t maraming pangako sa ilalim ng programa ang hindi pa rin natupad.
Ilan lamang sa mga nabigong pangako ng K-12 ay ang agad na pagkakaroon ng trabaho ng mga estudyanteng nakapagtapos dito dahil marami sa mga kumpanya ang hindi tumatanggap ng empleyado kung hindi graduate ng kolehiyo.
Dagdag pa sa pangakong hindi natupad ay ang kawalan ng certification ng mga nagtapos sa ilalim ng technical-vocational course, ang pagpapaikli sa panahon ng pag-aaral sa kolehiyo, at kakulangan ng suporta pagdating sa sports at arts.
Hiniling ni Angara na magusap-usap ang mga opisyal ng pamahalaan kaugnay sa K-12 program na magkaroon ng iisang focus para maresolba ang mga nabanggit na problema.
Ang problemang ito ay hiwalay pa sa lumabas na resulta ng pagaaral ng Commission on Human Rights (CHR) na marami sa mga nagsipagtapos ng kolehiyo sa panahon ng pandemya ay walang sapat na ‘soft skills’ dahilan kaya marami sa mga ito ang hindi natatanggap o hirap makahanap ng trabaho.