Pagrepaso sa K-12, sinuportahan ng mga senador

Sang-ayon sina Senators Sonny Angara, Win Gatchalian at Chiz Escudero na repasuhin ang K to 12 program.

Sabi ni Angara, hindi naman layunin ng pagrepaso na abandonahin ang K to 12 program kundi para mapahusay ang pagpapatupad nito at mabigyan ng sapat na pondo.

Diin naman ni Senator-elect Escudero, nakapaloob mismo sa batas ang pag-review sa K to 12 program para mabatid kung nakamit ang layunin nito at kung dapat pang ipagpatuloy.


Sabi ni Escudero, mainam na mapag-aralang mabuti ang K to 12 program sa gitna ng matinding epekto ng pandemya sa edukasyon at mental health ng mga kabataang Pilipino.

Giit naman ni Committee on Basic Education Chairman Senator Win Gatchalian, talagang isinusulong nila ang pagrepaso sa K to 12 dahil hindi natutupad ang mga mithiin at pangako nitong benepisyo para sa mga kabataan.

Pangunahin dito ang pangakong agad na trabaho para sa magsisipagtapos ng senior high school dahil nag-aalangan ang employers sa kanilang training at kaalaman.

Sabi ni Gatchalian, lumilitaw rin na hindi nakadagdag sa talino o karunungan ng mga kabataan ang dalawang taon na nadagdag sa pagpasok sa eskwela dahil mababa pa rin ang kanilang grado.

Facebook Comments