Inirekomenda ni Energy Secretary Alfonso Cusi na repasuhin ang prangkisa ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ang 60 pecent ay pagmamay-ari ng korporasyong Pilipino habang ang 40 percent ay hawak naman ng kompanya ng gobyerno ng China.
Iminungkahi rin ni Cusi na bawiin ng gobyerno ang ibinigay sa NGCP na kapangyarihan na patakbuhin ang operasyon sa pagpapadaloy ng kuryente mula sa mga planta patungo sa distribution utilities.
Isinulong ito ni Cusi sa pagdinig ng Senate sa Committee on Energy (COE) na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian ukol sa naranasang rotational brownouts sa Luzon.
Ayon kay Cusi, bigo ang NGCP na tuparin ang mandato na kumontrata ng garantisadong ancillary services para sa reserbang kuryente at bigo rin itong makapagtayo ng transmission facilities na dadaluyan ng kuryente mula sa Visayas at Mindanao patungong Luzon.
Hiniling din ni Cusi na ikonsidera ang paggamit ng nuclear energy at humingi rin ito ng otoridad para patawan ng parusa ang Electric Power Industry na hindi nagsusuplay ng naka-kontratang kuryente.
Samantala, sa Senate Hearing ay nagarantiyahan ng Department of Energy (DOE) na hindi na mauulit sa mga susunod na araw at lingo ang rotational brownouts sa Luzon.
Paliwanag ni DOE Electric Power Industry Management Bureau Director Mario Marasigan, ito ay dahil wala pa ang report ng NGCP ukol sa pag-uurong ng preventive maintenance ng mga planta ng kurytente.