Pagreregalo umano ng isang kawani ng Philhealth sa kanyang nililigawan, Pagpapaliwanagin ng NBI Isabela

Cauayan City, Isabela- Pagpapaliwanagin ng National Bureau of Investigation (NBI) Isabela ang ilang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) sa ilang tanggapan sa lalawigan.

Ayon kay Isabela NBI Director Timoteo Rejano, may ilan kasing opisyal ang kwestiyunable ang kanilang katayuan sa buhay dahil sa umano’y pagbili ng higit sa isang luxurios o mamahaling sasakyan na hindi naman angkop sa kanilang posisyon at kita sa ahensya.

Inihalimbawa din ni Rejano ang isang empleyado ng PHILHEALTH na nagreregalo umano ng mga sasakyan sa kanyang babaeng nililigawan at batid na hindi rin naman kalaki ang sinasahod nito sa ahensya at walang ibang pinagkukunan ng income.


Matatandaang sentro ng kontrobersyal ngayon ang tanggapan ng PHILHEALTH dahil sa umano’y maanomalyang paggamit ng pondo ng ilang matataas na opisyal nito.

Tumanggi naman si Director Rejano na pangalanan ang mga nasasangkot sa pagsisiwalat ng lifestyle check sa ilang tanggapan ng Philhealth sa lalawigan ng Isabela.

Tiniyak naman ng opisyal na magiging patas ang NBI sa pagsasagawa ng imbestigasyon para mapanagot ang posibleng sangkot sa anomalya sa provincial level.

Facebook Comments