Nagsimula nang tumanggap ang Commission on Elections (COMELEC) ng aplikasyon ng mga political at party-list group na lalahok para sa May 2025 elections.
Batay sa abiso ng COMELEC, magsisimula nang tumanggap ang kanilang clerk ng mga magpaparehistrong political party o kaya ay coalition ng political party at maging ng mga party-list group mapa-national, regional or sectoral pa ito.
Maaari isumite ang kanilang aplikasyon sa kanilang tanggapan mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon tuwing Lunes hanggang Biyernes maliban lamang sa holiday.
Samantala, inihayag ni COMELEC acting spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na nasa 91.5 milyong balota ang kakailanganin para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) ngayong December 5.
Sa naturang bilang, higit 67 milyon dito ay para sa barangay voters habang nasa 24.4 milyon naman ang para sa SK election.
Ayon kay Laudiangco, sisimulan nila ang pag-imprenta nito sa kalagitnaan ng Setyembre upang magbigay-daan sa pagberepika nito at sa pamamahagi nito sa buong bansa.