Manila, Philippines – Isang malaking regalo para sa pamilya Tiro sa Cebu City ang pag-rescue ng militar sa chief engineer ng tugboat shuttle roro 9 Laurencio Tiro, kagabi sa sitio Sasa Barangay Basakan Mohammad Adjul sa lalawigan ng Basilan.
Ayon sa komandante ng Western Mindanao Command Major Carlito Galvez Jr., ang pagrescue kay Tiro dahil na rin sa tulong ng local leaders ng nasabing lugar, dahil nakikipagtulungan ang mga ito sa mga sundalo upang malocate ang rebeldeng Abu Sayyaf na may hawak sa kanilang bihag.
Matatandaan si Tiro ay dinukot ng ASG sa Sibago Island sa Basilan noong Huwebes ng tanghali, kasama ang kapitan ng tugboat na si Aurelio Agaca na ni-rescue rin noong Sabado ng madaling araw.
Ngayong araw ay kaarawan ng asawa ni Tiro kung kayat isang malaking regalo ang pagrescue sa kanya ng militar.
Nasa mabuting kalagayan naman umano si Tiro ayon kay Galvez, at sa ngayon nasa kustodiya ito ng militar sa Wesmincom, at inaasahan uuwi ito ngayong araw sa Cebu City upang makasama ang kanyang pamilya.