Mamadaliin ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagresolba sa mga nakabinbing petisyon ukol sa “exemptions” sa halalan 2022.
Natanong ang COMELEC sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ng mga kongresista kung ipinagbabawal ba ang pinansyal na ayuda, libreng funeral program at mga serbisyo sa ospital ng mga lokal na pamahalaan sa kasagsagan ng campaign period.
Sinabi ni COMELEC Commissioner George Garcia na mayroong binuo ang COMELEC En Banc na “special team” na kaniyang pinamumunuan kung saan target na sa isang upuan lamang ay maresolba ang lahat ng petisyon.
Aniya, nasa 34 petisyon ang humihingi ng exemption na nakabinbin pa rin sa COMELEC.
Sa En Banc meeting naman ngayong Linggo, sinabi ni Garcia na umaasa sila na kahit kalahati ng bilang ng mga petisyon ay matapos at maisumite na para sa resolusyon.
Samantala, sa darating na Huwebes ay magsasagawa ng “random sampling of ballots” ang COMELEC kung saan imbitado ang watchers, observers at mga kinatawan ng political parties.
Matatandaang nakwestyon ang COMELEC sa hindi pag-imbita sa observers mula nang magsimula ang printing ng balota.