Cauayan City, Isabela- Inamin ng isang punong barangay sa Lungsod ng Cauayan na may kabagalan sa pagresponde ng sunog ang mga bumbero matapos matupok ng apoy kahapon ang isang konkretong bahay sa Purok 7 Buena Suerte.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Brgy. Captain Dennis Dela Cruz, kanyang sinabi na may katagalan ang pagdating ng mga bumbero sa lugar kaya’t tuluyang nasunog ang buong bahay.
Gayunman, kanyang ikinunsidera na may kalayuan ang kanilang barangay mula sa Poblacion na posibleng dahilan ng mabagal na pagresponde.
Hindi naman aniya nito masisisi ang kanyang mga Kagawad at Tanod na sumailalim sa pagsasanay dahil mayroon din aniya silang mga sariling trabaho at hindi pa sapat ang kanilang kaalaman para sa wastong pagresponde.
Dahil dito, kanyang hiniling sa kinauukulang ahensya na mabigyan din sana ng kahit isang (1) maliit na fire truck ang bawat region sa Lungsod upang mayroon aniyang magagamit sakaling may mangyayaring ‘di inaasahang sunog.
Napansin din umano ng Kapitan na walang matibay na bayanihan ang mga residente sa lugar kung saan ilan lamang sa mga ito ang nagkusang tumulong.
Panawagan naman nito sa kanyang mga kababayan na sana’y magkaroon ng malasakit at pakialam sa isa’t-isa lalo na sa mga ganitong insidente at magsilbing aral ang nangyaring sunog.
Kaugnay nito, planong isama ng Kapitan sa Rescue Team ang mga kabarangayan sa bawat purok na sumailalim ang mga ito sa training ng mga Fire Brigade upang magkaroon din ng kaalaman sa tamang pagresponde ng sunog.