Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) na magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa pagsabog ng granada sa harap ng Army Detachment Sa Guindulungan, Maguindanao nitong Sabado, October 23.
Ang pagsabog ay naganap habang dumadaan ang convoy ng 20 hanggang 30 sasakyan ni Maguindanao Representative Esmael “Toto” Mangudadatu.
Si Mangudadatu ay tumatakbo bilang gobernador ng lalawigan sa 2022 national and local elections.
Ayon sa PNP chief, isang posibleng motibo lang ang pag-target kay Mangudadatu, at pwede ring nagkataon lang na dumadaan ito sa lugar nang maganap ang pagsabog.
Mahigpit ang bilin ng PNP chief sa mga imbestigador na tingnang mabuti ang lahat ng anggulo sa insidente.
Inutos naman ni Eleazar ang lahat ng police units sa rehiyon na paigtingin ang kanilang koordinasyon sa militar para mapigilan ang pag-atake ng mga lawless element sa panahon ng kampanya.