IMPASUGONG, Bukidnon – Aabot sa 11 tao, kabilang ang 8 sundalo, ang sugatan sa pagsabog ng isang Anti-Personnel Mine habang dumaraan ang isang convoy sa Barangay Kalabugao sa naturang bayan.
Kasama sa convoy ng mga sundalo ang mga foreign observers mula sa Indigenous People (IP) communities ng mga bansang Vietnam, Myanmar, Indonesia at Malaysia, at iba pang local volunteers na noo’y papunta sana sa Sitio Mintapod, Barangay Hagpa upang mag-obserba sana sa magagandang gawain o best practices at kultura ng mga Pilipinong IP community.
“Along the way, ‘yung convoy ng security namin at saka ‘yung kanilang civilian dump truck, pinasabugan ng Anti-Personnel Mine ng grupo ng NPA at nagkaroon ng palitan ng putok,” ani Col. Edgardo de Leon, Commander ng 403rd Infantry Brigade ng Philippine Army.
Mayroon rin umanong tatlong hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasugatan sa insidente. “Nakita po ng tropa natin, 3 NPA ang tinamaan pero since hindi tayo puwede mag-pursuit dahil ang pangunahing layunin natin ng misyon ay protektahan ang mga sine-secure na mga foreigners so priority na inextricate natin ‘yung mga foreigners nang mag-withdraw ‘yung mga NPA,” dagdag pa ni De Leon. Dalawang Anti-Personnel Mine pa ang nakuha ng mga sundalo malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Ligtas naman at walang nasugatan sa mga banyaga, na hindi na tumuloy sa kanilang schedule sana na pagbisita. “Na-extricate natin successful ‘yung mga foreigners so walang nasaktan sa kanila,” ani De Leon.
Bumalik din agad sa Maynila ngayong hapon ang mga banyagang observers. Ayon kay De Leon, nilabag ng mga rebeldeng NPA ang International Humanitarian Law dahil sa kanilang ginawa.