PAGSABOG SA ISANG GARAHE SA BAYAN NG CALASIAO, NAGDULOT NG ISANG NASAWI

Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga kawani ng Pangasinan EOD K9 Unit at ang Pangasinan Forensic Unit ukol sa posibleng sanhi ng pagsabog ng isang aluminum truck sa Sitio Calit, Brgy. Banaoang bayan ng Calasiao.
Sa eksklusibong panayam ng IFM Dagupan kay PCapt. James Corsino, Duty Officer ng Calasiao PS, naganap ang pagsabog pasado 1:30 ng hapon kahapon kung saan isa ang naitalang nasawi at isa naman ang nakaligtas sa pagsabog.
Napag-alaman na ang nasawing biktima ay si Cesar Arnaiz Sambas, 47-anyos, residente ng Brgy. Tebeng, Dagupan City, nakaligtas naman si Jomar Migano Mirasol, 29-anyos, tubong Brgy. Banaoang, bayan ng Calasiao.

Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, nag-ga-grinder si Sambas sa ibabang bahagi ng truck na naka-garahe nang bigla na lamang itong sumabog at sa kasamaang palad napuruhan ang katawan ni Sambas.
Dahil lakas ng pagsabog, tumilapon si Mirasol na nasa itaas ng truck at halos mabingi ngunit nagtamo ito ng minor injuries at agad na itinakbo sa isang pagamutan.
Ayon pa sa PNP may mga drum ng alcohol malapit sa lugar ng insidente.
Napag-alaman din na nasa humigit-kumulang isang kilometro ang layo ng mismong garahe sa isang laboratoryo ng alcohol.
Sinisikap pa ng IFM Dagupan na makuhanan ng reaksyon ang may ari ng mga ari-arian.
Hinihintay naman ang resulta sa isinagawang imbestigasyon ng awtoridad. |ifmnews
Facebook Comments