
Hiniling ng National Unity Party (NUP) sa House Committee on Ethics and Privileges na obligahin si Cavite Fourth District Representative Kiko Barzaga na sumailalim sa “comprehensive fitness determination” bago siya makabalik sa trabaho.
Nakasaad ito sa Manifestation and Motion na inihain ng NUP sa komite, na siya ring naghain ng ethics complaint na naging basehan ng 60-araw na suspensyon ni Barzaga.
Layunin ng hakbang ng NUP na magkaroon ng assessment kung handa na si Barzaga na gampanan ang tungkulin bilang mambabatas sa aspetong pisikal, emosyonal, mental, at asal alinsunod sa itinatakda ng House Code of Conduct.
Basehan ng kahilingan ng NUP ang patuloy na pagpo-post ni Barzaga sa social media ng mga mapanirang content sa kabila ng ipinataw na disciplinary sanctions ng Kamara.
Pangunahing inihalimbawa ng NUP ang social media post ni Barzaga laban sa yumaong Antipolo City Representative Romeo Acop, gayundin ang mga hindi magandang komento na may kaugnayan sa pulitika, kabilang ang paggamit ng kababaihan sa kanyang mga pahayag.










