Tama ang desisyon ng liderato ng senado na isailalim sa COVID-19 test ang mga senador bilang bahagi ng pag-iingat matapos na magpositibo sa coronavirus disease si Senator Juan Miguel Zubiri at Senator Koko Pimentel.
Binigyang diin ni Dra Cristeta Cocjin, Hepe ng Senate Medical and Dental Bureau na kailangang maayos ang kalusugan ng mga Senador dahil may trabaho ang mga ito na dapat gampanan tulad ng isinagawang special session nitong Lunes na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Dra. Cocjin, noong March 17, 2020 ay may medical team mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang nagtungo sa senado kung saan isinailalim sa test si Senate President Tito Sotto III at ilan pang senador gamit ang DOH-FDA licensed test kits.
Ipinaliwanag ni Dra. Cocjin na ang unang testing kits na ginamit ng mga senador na mula sa isang kaibigang negosyante ay hindi lisensyado kaya ang resulta ay unofficial.
Paliwanag naman ni Senate President Sotto, nagpasailalim sya sa covid test dahil ilang araw na syang nakakaranas ng sintomas ng COVID-19 tulad ng dry cough at sore throat, may edad na sya at nakasalamuha ng ilang Person Under Investigation (PUI), at Person Under Monitoring (PUM).
Paglilinaw ni Sotto, hindi niya hiniling na siya ay iprayoridad, at sa katunayan hanggang ngayon ay wala pa rin ang kanyang resulta.
Sabi pa ni Sotto, batid niya na marami ang nangangailangan na maisaialim sa COVID test kaya mahigpit nyang minomonitor ang proseso para sa accreditaion ng DOH at FDA ng iba pang testing kits.
Si Senator Francis Tolentino naman ay nauna ng humingi ng paumanhin kung may nadismaya sa pagpost niya sa social media ng larawan nya habang sumasailalim sa COVID test kasama ang isang doktor ng senado.
Nagpaliwanag na rin si Tolentino na sya ay nagpasayang sumailalim sa COVID test dahil sa hindi gumagaling na sipon at ubo at exposure sa ilang COVID patient.