Nakakaranas umano ngayon ng matinding pagkasira ang kapaligiran sa ating bansa.
Ito ang inihayag ng BBM-Sara UniTeam, ang katawagan sa tambalan ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential candidate na si Davao City Mayor Sara Duterte.
Ayon sa BBM-Sara UniTeam, pangunahing dahilan sa pagkasira ng kalikasan ay ang deforestation, pagguho ng lupa, pagkagambala ng hydrological system, ‘over-exploitation’ ng mga pangisdaan, pagkasira ng mga coral reef, at pagkalipol ng mga species.
Paliwanag nina Marcos at Duterte, ang walang habas anila na pagsira sa mga likas na yaman ng bansa ay nagiging sanhi ng mga mababagsik na sakuna tulad ng pagguho ng lupa.
Habang ang pagbaha ay dulot naman ng malalakas na bagyo galing sa Karagatang Pasipiko na nananalasa sa malawak na bahagi ng Pilipinas.
Dahil dito ay isa sa isusulong ng tambalang BBM-Sara ang responsableng pagmimina sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga pangunahing Probisyon ng Republic Act no. 7942, o ang Mining Act of 1995, na kumokontrol sa mga operasyon ng industriya ng pagmimina sa bansa.