Suportado ni Senadora Imee Marcos ang pagpapatupad ng Reserved Officers Training Corps o ROTC pero dapat opsyonal ito sa kolehiyo at hindi sapilitan sa halip na gawing requirement sa high school para maka-graduate.
Sa inihaing Senate Bill 413 ay nais ni Marcos na magkaroon ng “Citizen Services Program” o community service subjects sa curriculum ng ROTC para sa mga ayaw kumuha nito.
Layunin din ng panukala ni Marcos na mabigyan ng insentibo ang mga lalahok sa ROTC tulad ng libreng health at life insurance at allowance para sa mga opisyal nito.
Para kay Marcos, hindi makatwirang ipilit sa batas ang pagiging makabayan ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagpwersa sa kanila na maging sundalo.
Sa tingin din ni Marcos ay puro lang salita pero kulang sa aksyon ang mga opisyal ng militar na nagtutulak na buhayin ang ROTC program sa high school.
Pinuna ni Marcos ang tila kakulangan sa re-training program na katulad ng pinatutupad sa South Korea o Singapore na lalong magpapahusay sana sa kakayahan ng mga kadete ng ROTC sakaling matapos nila ang basic education.
Bukod dito, ay dapat din aniyang bumuo ng database ang militar na magagamit para matukoy ang mga dating kadete ng ROTC na may planong pumasok sa militar.