Pagsalpok ng Tricycle sa Isang Truck, Estudyante- Patay!

*Ilagan City, Isabela- *Agad na binawian ng buhay ang isang binata matapos sumalpok ang minamanehong tricycle sa Trailer Truck sa pambansang lansangan ng Brgy. Malalam, City of Ilagan, Isabela.

Kinilala ang biktima at driver ng tricycle na si Philip Luiz Jr, nasa tamang edad, at residente ng Brgy Rang-ayan, City of Ilagan, Isabela habang ang suspek at driver ng truck ay si Victorio Ortiz Jr, nasa tamang gulang, may-asawa at residente naman ng San Mateo, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 RMN Cauayan, pasado alas sais kagabi nang maganap ang aksidente kung saan magkasalungat na binabaybay ng tricycle at sasakyan ang lansangan at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay nag-overtake sa sinusundang sasakyan ang tricycle at hindi nito napansin ang kasalubong na Truck na dahilan ng kanilang salpukan.


Nagtamo ng matitinding pinsala sa katawan ang biktima na sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Dinala na sa himpilan ng PNP Ilagan City ang sangkot na mga behikulo para sa kaukulang disposisyon habang inihahanda na ang kaso na isasampa laban sa suspek.

Facebook Comments