Nagpaabot ng mainit na pasasalamat si Navotas Representative Toby Tiangco sa pag-iinspeksyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Tangos-Tanza navigational gate at pamamahagi ng relief packs sa mga inilikas na pamilya dahil sa matinding pagbaha.
Ayon kay Tiangco, tinalakay nila kay Pangulong Marcos ang pagsasaayos na kailangang gawin sa lalong madaling panahon sa floodgate upang makatugon sa pagbaha.
Para kay Tiangco, malaking bagay ang personal na pag-iinspeksyon ng pangulo sa navigational gate at ang pagbibigay nito ng deriktiba sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na magpatupad ng agarang hakbang para maresolba ang pinsala.
Diin ni Tiangco, ang nasirang floodgate ang isa sa mga dahilan kung bakit matindi ang bahang naranasan sa Navotas kaya dapat managot ang kompanyang nagmamay-ari sa barge na sumayad at nakasira dito.
Ikinatuwa ni Tiangco na bukod kay PBBM ay nag-inspeksyon din sa flood gate si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kasama ang iba pang leader ng Kamara.