Itinutulak sa Senado ang pagkakaroon ng maayos na electrification program para mapabilis ang pagbibigay ng kuryente sa lahat ng mga kabahayan sa bansa lalo na ang mga nasa lalawigan at malalayong lugar.
Tinukoy ni Senator Sherwin Gatchalian na sa kabila ng iba’t ibang electrification program sa mga nakalipas na dekada ay hindi pa rin natutugunan ang total electrification sa buong bansa.
Batay aniya sa datos ng Department of Energy (DOE), nasa 95.56% ang household electrification level sa bansa hanggang nitong Marso kung saan 98.71% sa Luzon, 96.97% sa Visayas habang mababa naman sa Mindanao na nasa 86.39%.
Ipinunto pa ng senador na natatagalan ang proseso ng pagpapailaw sa bansa dahil ang pondo ng DOE para rito ay dina-download pa rin sa National Electrification Administration (NEA) at sa National Power Corporation (NPC).
Pinuna rin ang mababang utilization rate ng ahensya para sa pondo sa electrification dahil sa kabila ng pagtaas ng disbursement rate sa 96.62% nitong Agosto 2022 mula sa 0.62% noong 2021, ang alokasyon para pondohan ang paglalagay ng kuryente sa mga lugar ay bumaba naman sa 0.33% ngayong Agosto 2022 mula sa 83.56% noong 2021.
Apela ni Gatchalian na magkaroon ng malinaw na polisiya sa kung aling ahensya ang responsable na pailawan ang mga lalawigan at dapat ding pagkaisahin ang mga umiiral na programa para sa electrification.