
Cauayan City – Inaprubahan sa 4th Quarter Provincial Health Board (PHB) meeting ang pagsasaayos ng Primary Clinic Laboratory ng Provincial Government of Cagayan (PGC).
Pinangunahan ni Governor Manuel Mamba at Dr. Rebecca Battung, Co-Chair ng PHB, ang nasabing pulong na ginanap sa Conference Hall, Capitol Main Building sa Tuguegarao City.
Layunin ng proyekto na magbigay ng maayos at abot-kayang serbisyong medikal sa mahigit 4,000 empleyado ng Kapitolyo ng Cagayan, at bubuksan din ito para sa publiko, lalo na sa mga Cagayano na nangangailangan ng mas abot-kayang laboratory services.
Ang pagsasaayos ng pasilidad ay bahagi ng Universal Health Care Act at popondohan ng P1.7-M mula sa Annual Investment Plan 2023.
Ayon kay Dr. Battung, dating mayroong operational laboratory ang PHO, subalit noong 2022 ay ipinasara ito sa pamamagitan ng cease and desist order dahil sa kakulangan ng lisensya.
Isinulong ni Governor Mamba ang proyekto upang matiyak na maipagpapatuloy ang pagbibigay ng serbisyong medikal sa mga nangangailangan.
Sa muling pagbubukas, mag-aalok ang PGC Primary Clinic Laboratory ng mga serbisyong hematology, clinical chemistry, clinical microscopy, immunology/serology, microbiology, at anatomic pathology.









